Ang tula kung bibigkasin lalo pa't kung bukal sa puso at malaya ang imahinasyon ay tunay na naiibang karanasan. Paano kung lalapatan musika ang mga taludtod sa tula at sasaliwan ng sayaw. Ito ang ipinamalas ng pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. Narito ang ilan sa mga tulang ginamit sa pelikula na mula sa mga haligi ng Literaturang Pilipino.
Ang Sabi Ko Sa Iyo
ni Benilda Santos
Bumaling ang dagta sa hiniwang kaymito
Namuo sa talim ng kutsilyo ang ilang patak
Diyan ako naiwan mahal, at hindi sa laman
Litanya
ni Merlinda Bobis
Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng anghel sa kanyang pakpak
Nalimutan sa bus na gumarahe sa gabing walang buwan
Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng buwan sa kanyang mata
Nahulog sa sapang nananaginip ng dilim na walang pintuan
Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng hangin sa kanyang dila
Nauhawa sa kahihiyaw ng 'huwag mo akong iwan'
Paglisan
ni Joi Barrios
Sinasalat ko ang bawat bahagi
ng aking katawan
Walang labis walang kulang
Sinasalat ko ang bawat bahagi
ng aking katawan
Nunal sa balikat
Hungkag na tiyan
May tadyang ka bang hinugot
Nang lumisan?
Sinasalat ko ang bawat bahagi
ng aking katawan
Sa kaloob-looban
sa kasuluk-sulukan
Nais kong mabatid
ang lahat ng iyong
Tinangay at iniwan
Nais kong malaman
Kung buong-buo pa rin ako
sa iyong paglisan.