Ang Malayang Taludturan ng Dalawang Kaliwang Paa

 Ngayon ko lamang napansin na halos karamihan sa post ko sa buwang ito ay mga tula. Bakit nga naman hindi, isang pagkilala at pagpupugay na rin ito sa ating wika. Na sana ay hindi lamang isang beses sa isang taon kinikilala o pinapahalagahan.

 Ang tula kung bibigkasin lalo pa't kung bukal sa puso at malaya ang imahinasyon ay tunay na naiibang karanasan. Paano kung lalapatan musika ang mga taludtod sa tula at sasaliwan ng sayaw. Ito ang ipinamalas ng pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa. Narito ang ilan sa mga tulang ginamit sa pelikula na mula sa mga haligi ng Literaturang Pilipino.




Ang Sabi Ko Sa Iyo
ni Benilda Santos

Bumaling ang dagta sa hiniwang kaymito

Namuo sa talim ng kutsilyo ang ilang patak

Diyan ako naiwan mahal, at hindi sa laman



Litanya
ni Merlinda Bobis

Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng anghel sa kanyang pakpak
Nalimutan sa bus na gumarahe sa gabing walang buwan

Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng buwan sa kanyang mata
Nahulog sa sapang nananaginip ng dilim na walang pintuan

Huwag mo akong iwan
Tulad ng pag-iwan ng hangin sa kanyang dila
Nauhawa sa kahihiyaw ng 'huwag mo akong iwan'



Paglisan
ni Joi Barrios

Sinasalat ko ang bawat bahagi 
ng aking katawan
Walang labis walang kulang

Sinasalat ko ang bawat bahagi 
ng aking katawan
Nunal sa balikat
Hungkag na tiyan
May tadyang ka bang hinugot 
Nang lumisan?

Sinasalat ko ang bawat bahagi
ng aking katawan
Sa kaloob-looban
sa kasuluk-sulukan
Nais kong mabatid 
ang lahat ng iyong
Tinangay at iniwan
Nais kong malaman
Kung buong-buo pa rin ako
sa iyong paglisan.

4 comments:

  1. Na-inlove ka rin sa movie no? Hehe.

    ReplyDelete
  2. @Mugen: yes sir at maging sa mga bisig ng mga artistang nagsiganap hehe

    ReplyDelete
  3. Sobrang in-love ako sa mga tulang yan lately. haay

    ReplyDelete
  4. @citybouy: nakaka in-love naman talaga haay :)

    ReplyDelete