Ikaw na nagbigay ng aking pangalan na ayon sa iyong kuwento sa akin ay isang karakter mula sa bibliya na nagpalaya sa ehipto. Inisip mo marahil na magiging ganoon din ako, maari, ngunit sa naiibang paraan. Isang naiibang paglaya o pagpapalaya.
Ikaw na kasama kong umakyat sa entablado noong nursery pa ako para isabit sa akin ang first honor medal ko. Nakakatuwa dahil ikaw din ang kasama ko nang magtapos ako sa kolehiyo. Hindi nga lang tayo nakaakyat sa entablado. Lintek na Algebra yan! (Oo na!Bonaks talaga ako sa Math!Magaling ka ba?Turuan mo nga ako!) Subalit kahit hindi ako nakatanggap ng anumang karangalan noon,ramdam ko na proud ka sa akin. Hindi man ito sinambit ng iyong mga labi, pinadama ito ng mga kamay mong tumapik mo sa aking balikat at ng iyong mga bisig na yumakap sa akin ng mahigpit.
Ikaw na nag-udyok sa akin na sumali sa paliga ng basketball sa brgy. natin noong kasibulan ng aking pagbibinata. Pinilit mo sana ako pinagawan ng uniporme, di sana may medalya na din ako ng MVP,rookie of the year at power point guard. Eh di sana dami ko na ding ex na basketbolista. Nakatipid din siguro ang brgy. natin basketball player na,muse pa.
Ikaw na ang tingin sa akin sa edad na bente y singko ay menor de edad pa. Nang minsang sinaway mo ako dahil lalabas ako ng bahay ng alas diyes ng gabi,agad kang nagtanong kung saan ako pupunta,sino ang kasama ko at 'gabi na ah!'. Ngayon ko lang napagtanto na isa nga pala akong dalagang Pilipina na hindi na dapat nakikita na gumagala sa lansangan sa gaanong oras. Kung minsan ayos na din na ang tingin mo sa akin ay bata pa,ibig sabihin hindi mo pa ako hihikayating mag-asawa.
Ikaw na malakas magyosi. Pilit mong sinasabi na ititigil mo na subalit hirap ka. Buti na lang at hindi ka manginginom at hindi ko namana ang hilig mo sa yosi.
Ikaw na takot sa doktor at sa ospital. Pero hindi naman takot sa gamot. Kung may nagdoktor lang sa aming magkapatid kinatakutan mo na panigurado.
Ikaw na siyang nakapansin ng malambot kong kilos,kaya napagpasyahan mong dalhin ako sa simbahan at isali sa mga bible school,sunday school at prayer meetings. Hindi naman kita binigo kasi naging lider ako ng youth ministry. Napalapit ako sa "kanya". Hindi man ako madalas dumalo ng service sa kasalukuyan,na lagi mong itinatanong kung bakit. At wala akong isinasagot. Wala kang dapat ikabahala isang pangaral mo ang hindi ko nalilimutan at malilimutan habang buhay ang manalig at magdasal.
Ikaw na inaangkas ako sa bisikleta ng mahigit limang buwan lunes hanggang biyernes tuwing madaling araw upang ihatid ako sa sakayan ng dyip,matapos ang ikalawang beses na akoý mapagkamalang anak mayaman, naholdap.
Ikaw na siyang kasama kong bumili ng barong ng muli akong umabay sa kasal may mahigit walang taon na kasi nang huli akong umabay sa kasal. Iniisip mo marahil habang isinusukat ko ang barong darating ang araw hindi na ako basta lamang aabay ako na ang ikakasal. Pero hindi ako makakasiguro na barong ulit ang bibilhin natin pagdating ng araw na iyon. Traje de Voda na! (kumusta naman ang 'V')
Ikaw na nag-udyok sa aking mag-ehersisyo. At minsang ngang nagjogging tayo sa luneta si
beschum#1. Nang matapos ay sinabi mong "magjogging ulit kayo next week,ang dami pa namang chicks!" Tambling sabay split at biglang flip ng hair ang reaksyon namin ni bes.
Ikaw na nagbulatlat ng gay magazine ko. Buti na lang nasa kwarto iyon ng kapatid kong babae. Kasi naman ang sister iniwan sa lapag,ayun pumasok ka sa silid, liligpitin ko na sana iyon nang makita kong binubuklat mo na ang bawat pahina. Mukha kang curious na curios ng mga oras na iyon. Hindi ko alam kung ano ang naglalaro sa isip mo ng mga oras na yaon. Hinayaan na lamang kita. Matagal na itong nangyari wala pa namang pang MMK na eksenang nagaganap. Inakala mo siguro na sa kapatid ko ang mga iyon. Haaay!
Ikaw na hindi ko naging malapit sayo noong bata. Takot nga akong lumapit sayo noon. Pero bumabawi ka naman ngayon. Walang masama.
Ikaw na nagbigay ng magandang lahi.(Sana maipagkalat ko.)
Ikaw na ayaw kong palitan.
Ikaw na aking ama.
Ikaw..mahal kita.