SomethingBigInSmallThings
Ang Nagdaang 2012
Makapigil hininga. Ganito ko mailalarawan ang taong nakalipas. Marahil dahil sa mga lugar na aking nakita,pangyayaring naranasan at mga taong nakasalamuha.
May mga pagkakataon at mga bagay na hindi naging maayos. Subalit mas nanaig ang pagkakaroon ko ng positibong pananaw at pananampalataya kaya hindi niya ako pinabayaan.
Sabi ko bago matapos ang 2011 na sa taong 2012 ipapakita ko ang dahilan kung bakit may nunal ako sa paa.
Tagaytay, Taal, Batangas, Daranak Falls, Pista ng Santa Clara sa Obando Bulacan, Higantes Festival ng Angono, Batad Banaue Rice Ifugao, Mt.Gulugod Baboy, Mt.Batulao at Sagada Mountain Province. Hindi na masama.
Unti-unti kong isasalaysay sa blog kong ito ang aking mga karanasan sa mga lugar na aking napuntahan.
Nabanggit ko rin na nawa'y may makilalang mga bagong kaibigan. At ganoon nga ang nangyari.
Maraming taong nakilala at kikilalanin pa, mga taong muling nakita, mga taong nakita at ayaw nang makita pa choz! :P Hindi ko na iisa-isahin. Mahina ako sa pangalan. Hindi kayo mawawala sa aking alaala. Makalimot man ang aking alaala,mananatili kayo sa aking puso. Naks! ;)
Patungkol naman sa planong "Sexy@26" medyo bumaba naman ang timbang,nangayayat,malaking tulong ang jogging, pagbabawas ng kanin at minsanang pagbubuhat ng bakal. Ang kaso eh malayo pa talaga sa pagka-borta.
Ilang araw na lang mula ngayon papalo na ako sa edad na bente siete. Mananatili ang aking hiling gaya ng nagdaang taon. Ihahakbang ang mga paa sa kung hanggang saan ang kaya nitong lakbayin. Aakyatin ang nagtataasang bundok,sasalubungin ang hangin sa himpapawid at sisisirin ang kailaliman ng karagatan. Palalawigin ang tingin para sa mga bago at muling makikita. At patuloy na bubuksan ang diwa sa bagong matututunan. Magpapatuloy lang.
Ayon sa isang hula. Taong 2012 magugunaw ang mundo. Eh kaso fail ang propesiya. Para sa akin naging maganda na rin ang pagkakaroon ng thinking ng ating mga tropang Mayan na magugunaw ang mundo sa ganitong araw at taon. Subalit hindi natupad ang anumang nakatakda. Hindi natapos ang pag-inog ng mundo sa kalawakan, kung kaya't para sa karamihan ito ay maaring magsilbing simula o di kaya'y pagpapatuloy sa kung anumang nasimulan na. Ika nga, wala pa tayo sa dulo, nag-uumpisa pa lang tayo.
Nawa'y may mailathala ako sa blog na ito ng madalas ngayong taon. Harinawa!
Subscribe to:
Posts (Atom)